ARALIN 18: PANAHON NG PANANAMPALATAYA

 

Early Medieval Cross Bow

 

Sa panahon ng walang katiyakan at pagbaba ng antas ng kaalaman at kabihasnan dulot ng pananalakay ng mga tribung Germanic, nagkaloob ang mga Kristyanismo ng pag-asa. Para sa mga taong naghahanap ng kabuluhan sa kanilang buhay, ang pangako ng Kristyanismo ng buhay na walang hanggan ay naging isang matibay na sandigan ng kanilang panananampalataya. Naging matatag na institusyong panlipunan ang Simbahan at malakas na puwersa sa pagpapanatili ng kaayusan at pag-unlad ng kabihasnan.

 

 

ANG PAGLAKAS NG KRISTYANISMO

Ang doktrina ng Kristyanismo na pagmamahal sa kapwa ay simple ngunit makabuluhang kautusan. Nagbigay ito ng malalim na pananampalataya at pananalig sa pagkakaroon ng isang makapangyarihang Diyos. Samantala, pinasigla ng paniniwala sa buhay na walang hanggan ang mga taong naghahanap ng kabuluhan sa kanilang buhay.

 

Ang mga Unang Simbahan

Ang mga unang simbahan ay payak na samahan. Ito ay binubuo ng mga maliliit na grupo. Ang bawat isa sa mga ito ay tinatawag na ecclesia, na salitang Greek na ibig sabihin ay pagpupulong. Noong wala pang gusali para sa mga unang Kristyano ay nagkikita-kita sa mga tahanan.

                Ang mga unang simbahan ay itinatag sa Jerusalem, Rome, Alexandria, Anitoch, Constantinople at Corinth.

                Ang simbahan sa Rome ay may mahalagang papel sa paglago ng Kristiyanismo. Ito ay itinatag ni Pedro, ang pangunahing apostol ni Hesus. Sinasabi ng tradisyon na si Pedro ay namatay sa Rome bilang martir. Ang paniniwala na ang mga Obispo ng Rome ang mga kahalili ni Pedro ang dahilan kung bakit ang Rome ang naging sentro ng Simbahang Kristiyano.

                Nagsimula ang katawagang Simbahang Katoliko upang tukuyin ang Simbahang Kristiyano sa Kanluran. Ang katagang Katoliko ay nangangahulugang universal o pangkalahatan. Ibig sabihin, si Hesus ay nasa Simbahang Katoliko at ang simbahang ito ay inatasan ni Hesus ng misyon para sa buong sangkatauhan.

 

Isang Panlahat na Pananampalataya

                Ang opisyal na aklat ng mga banal na kasulatan ng Kristiyanismo ay ang Old Testament o Lumang Tipan ng mga Jew at ang 27 na aklat na isinulat nina Mateo (Matthew), Marcos (Mark), Lucas (Luke) at Juan (John) ang bumubuo ng New Testament o Bagong Tipan.

                Sa kanyang paglalakbay sa iba’t-ibang lugar, nakipag-ugnayan si Pablo sa iba pang mga Kristiyano sa pamamagitan ng mga sulat na nagtataglay ng mensahe ng pag-asa at payo. Ang tawag sa mga sulat na ito ay epistle.

 

                Ang opisyal na doktrina o theology ng Simbahang Katoliko ay inilagay sa maayos na panuntunan ng apat na dalubhasang pari – sina Ambrose, Jerome, Augustine, at Gregory.

                Sumulat si Ambrose (circa 333-397) ng mga himno na inaawit sa iba’t-ibang seremonyang Kristiyano. Isinalin ni Jerome (circa 340-420) ang Bibliya sa Latin mula sa orihinal na Greek at Hebrew. Ang kanyang Bibliya ay tinataawag na Vulgate (natapos circa 383) sapagkat ito ay nakasulat sa pang-araw-araw na uri ng wikang Latin. Dahil sa mataas na antas ng pagkakagawa nito, ito ay ginamit nang mahabang panahon sa Europe at nanatiling opisyal na salin ng Bibliya ng Simbahang Katoliko.

                Si Augustine (354-430) na isang dating pagano, ay sumisimbolo ng taimtim na debosyon sa Diyos. Sinulat nya ang tatlo sa pinakamahalagang aklat tungkol sa Kristyanismo – Confessions (circa 397), De Trinitate (399-419), at De Civitate Dei (413-426). Samantala, hinikayat ni Gregory (circa 329-389) ang mga tao na manalig sa kapangyarihan at pagpapala ng Diyos, sa mga biyayang ipinagkaloob ng pagpapakasakit ni Kristo, at kakayahan ng mga sakramento upang iligtas ang taong nagsisisi sa kanyang mga kasalanan.

 

Ang Organisasyon ng Simbahan

                Bagama’t malawak ang lugar na sinakop ng Kristyanismo, mula Jerusalem hanggang Great Britain, ang Simbahang Katoliko ay may organisasyon upang mamahala sa lahat ng usapin nito. Mayroon itong hierarchy o sistema ng pagkakasunod-sunod ng awtoridad o kapangyarihan kung saan ang opisyal ng bawat baiting ay may katapat na tungkulin.

                Ang parokya ang pinakamahabang baiting sa herarkiyang ito. Ang mga pangangailangang pananampalataya ng parokya ay ginagampanan ng pari. Ang mga parokya ay pinagsama-sama upang bumuo ng diocese. Ito ay pinamamahalaan ng Obispo na kadalasan ay nakatira sa malaking bayan sa diocese. Ang Obispo ay may sariling simbahan na tinatawag na cathedral sapagkat naroroon ang kanyang cathedra o trono. Ang kanyang espesyal na tungkuling ay mag-ordina ng mga bagong pari at magkumpil ng mga bagong kasapi ng Simbahan. Ang pinakamahalagan Obispo ay nagiging mas makapangyarihan kaysa sa iba pang Obispo. Ito ang dahilan kung bakit naging kaugalian na gawing metropolis ng isang rehiyon ang lungsod kung saan matatagpuan ang cathedral. Ang Obispo ng ganitong lungsod ay tinatawag na metropolitan o arsobispo. Sila ang namamahala sa iba pang Obispo ng archdiocese.

 

Ang Mga Batas ng Simbahan

                Ang Simbahan ay may mga hukuman upang ipagtanggol ang mahihina at parusahan ang mga nagkakasala. Isinasakdal nito ang mga pari kapag sila ay nagkasala; hinahatulan sila batay sa Canon Law o batas ng simbahan. Ang Canon Law ay hinango sa banal na kasulatan, sa mga sinulat at batas ng mga Papa, at mga alintuntuning gawa ng mga Obispo sa pagpupulong ng Simbahan.

                Sa panahong ito, ang heresy ang pinakamasama sa lahat ng krimen. Ito ay itinuturing na pagkakasala laban sa Diyos at hindi sa lipunan sapagkat ito ay lumalabag sa mga aral ng Simbahan. Ang tawag sa hukuman na itnatag upang hanapin at parusahan ang mga heretic o erehe ay Inquisition. Tinawag na erehe ang mga hindi sumusunod o naniniwala sa mga doktrina at katuruan ng Simbahan.

                Itinatag ang mga unang korte ng Inquisition noong 1231 sa Germany at Aragon, Spain. Ganumpaman, ang Spanish Inquisition ay itinatag lamang noong 1478. Umabot ang Inquisition hangggang Netherlands noong 1522 at maging sa mga kolonya ng Spain sa Mexico at Peru noong ika-16 na siglo. Samantala, ang Roman Inquisition ay itnatag noong 1542.

                Ang mga sandata na ginamit ng Simbahan laban sa mga lumalabag sa mga batas nito ay excommunication o ekskomulgasyon, interdict, at deposition. Sa pamamagitan ng mga ito, lalong lumakas ang kapangyarihan ng Simbahan sapagkat maaaring gamitin ang mga ito laban sa mga sumasalungat o kumakalaban dito at sa mga turo nito.

                Ipinagkakait ng ekskomulgasyon ang mga serbisyo ng Simbahan, kasama ang mga sakramento, sa isang nagkasala. Ipinagbabawal din ng ekskomulagsyon ang pakikihalubilo sa iba pang mga Kristiyano. Kung tumangging talikuran ng isang erehe ang kanyang maling paniniwala, siya ay ibinibigay sa pamahalaang sibil at sinusunog.

                Ang interdict ay pagkakait ng serbisyo ng Simbahan sa lahat ng mamamayan ng isang kahit na isa lamang ang nagkasala. Ito ay ginagawa ng Simbahan upang pilitin ang isang nagkasala na sumuko sa kagustuhan ng Simbahan sa halip na maparusahan ang buong bayan.

                Ang pangatlong sandata ng Simbahan ay ang deposition o pagpapatalsik sa mga hari upang ipawalang-bisa ang pangako ng katapatan sa kanya.

 

Pagtatatag ng Samahang Pransiskano at Dominiko

                Noong ika-13 siglo, dalawang samahan ng mga pari ang itnatag. Sa halip na manirahan sa mga monasteryo, sila ay lumabas sa mundo bilang mga miyonero.

                Ang unang samahang misyonero ay itinatag noong 1210 ni Francis, anak ng isang mayamang mangangalakal. Pinili niyang manirahan sa mga burol sa gitna ng kagandahan ng kalikasan. Ang samahang itinatag niya ay ang Order of Friars Minors (O.F.M). Ang mga kasapi ng samahan ay itinatag na Pransiskano (Franciscan). Sila ay hindi maaaring mag-asawa at magkaroon ng ari-arian. Ang mga Pransiskano ay pagala-gala sa iba’t-ibang lugar habang nananawagan sa mga tao na iwaksi ang kamunduhan.

                Ang pangalawang pangkat ng mga misyonero ay itnatag noong 1216 ni Dominic, isang paring Español. Ang pangalan ng samahahan na itinatag niya ay Order of Preachers (O.P) at ang mga kasapi rito ay tinawag na Dominiko (Dominican). Inilalaan ng mga kasapi nito ang kanilang sarili sa pagtuturo.

 

 

 

Pagtatanggol sa banal na lupain

                Sa loob ng maraming daang taon, ang mga Kristiyano ay malayang pumupunta sa Jerusalem, ang tinaguriang Holy Land o Banal na Lupain. Ito ay upang dalawin ang mga banal na lugar na may kaugnayan sa buhay at kamatayan ni Hesus. Noong 1089 C.E., ito ay sinakop ng mga Seljuk Turk. Dahil dito, mahigpit na ipinagbawal ang pagpasok ng mga debotong Kristiyano sa Simbahan ng Holy Sepulchre kung saan inilibing si Hesus. Binihag din nila ang lungsod ng Antioch sa Syria. Ang Antioch ay isa sa mga una at pinakamalaking sentro Kristiyanismo.

 

Panawagan para sa Krusada

                Humingi ng tulong si Emperador Alexius I (1048-1118) kay Papa Urban II upang sagipin ang Imperyong Byzantine at panatilihin ang Kristiyanismo sa Silangan. Sa pagsakop ng Jerusalem, ang mga Seljuk ay nagkaroon ng pagkakataon na sakupin ang Constantinople. Sa maraming taon, ang lungsod ay nagsilbi bilang tanggulan laban sa mga hamon sa pamamayani ng Kristiyanismo sa Kanlurang Europe.

                Tumawag si Papa Urban II ng koseho noong 1095 sa Clermont upang hikayatin ang libo-libong kabalyero na “kunin ang krus” at maging isang crusader na ang ibig sabihin ay “markado ng krus”. Bilang kanilang gantimpala sa pagpapalayas ng mga Seljuk Turk sa Jerusalem, ipinangako ng Papa ang pagpapatawad sa lahat ng kanilang mga kasalanan, pagkakaroon ng mga lupain sa mga lugar na kanilang sasaqkupin at kalayaan mula sa kanilang pagkakautang.

                Ang panawagan ng Papa ay masiglang tinanggap ng maraming kabalyero sa iba’t-ibang dahilan. Ang iba ay may taimtim na hangad na ipagtanggol ang mga Kristiyanong deboto na nagpupunta sa Jerusalem. Ang iba ay naghahanap ng mapanganib na pakikipagsapalaran. Ang iba naman ay nais takasan ang pagkakautang o ang kanilang kasalanan sa batas. Mayroon ding iba na ang nais ay yumaman.

                Masiglang tinanggap din ng mga mangangalakal ang pagbibigay ng tulong laban sa mga Seljuk Turk. Ang pangamba nila ay ang pagsasara ng kalakalan sa Silangang Mediterranean kung mananatili ang kapangyarihan ng mga Seljuk Turk.

                Sp Papa Urban II ay handa ring tumugon sa hiniling na tulong ng Imperyong Byzantine laban sa mga Seljuk Turk. Siya ay naniniwala sa pangangailangang muling pag-isahin ang Simbahang Roman at ang Simbahang Orthodox. Kung magagawa niya ito, maaari niyang palawigin ang kanyang kapangyarihan sa buong kahariang Kristiyano, palawakin ang mga hangganan nito, at ibalik ang Rome bilang pangunahing lungsod at kabisera ng buong daigdig.

 

Ang Unang Krusada (1096-1099)

                Ang Unang Krusada ay nilahukan ng mahigit 10,000 magbubukid na walng nalalaman at pagsasanay sa pakikidigma. Sila ang unang umalis patungong Jerusalem. Nag-away-away sila nang dumating sila sa Asia Minor. Ang karamihan sa kanila ay madaling tinalo ng mga Seljuk Turk.

                Kabilang din sa Unang Krusada ang 20,000 kabalyero. Karamihan sa kanila ay mga French. Noong 1097, nilusob nila ang Asia Minor. Sa loob ng dalawang taon, kumilos sila patungong timog at silangan hanggang sa makuha ang Antioch. Matagumpay nilang pinasok ang Jerusalem noong Hulyo 15, 1099.

                Sa pagkakapanalo ng mga Kristiyano sa Krusada, nasakop nila ang teritoryo mula sa lambak ng Tigris River hanggang sa mga hangganan ng Egypt. Apat na Crusader States ang itinatag sa lugar na ito. Ang pinakamalaki at pinakamahalaga ay ang Latin Kingdom of Jerusalem. Ang hinirang na pinuno nito ay si Godfrey ng Bouillon na binigyan ng titulo bilang “Tagapagtanggol ng Banal na Sepulkro”. Ang tatlo pang estado ay Edessa, Antioch at Tripoli.

                Dulot ng pagtatatag Crusader States, nanumbalik ang pagdalaw ng mga Europeo sa Holy Land. Nagkaroon muli ng himpilan ang Kristiyanismo rito. Dumagsa rito ang mga debotong Kristiyano. Pabalik-balik dito ang mga barko ng mga mangangalakal na Italian, lulan ang mga mamahalin at piling produkto ng Asya.

                Hindi nagkasundo ang mga pinuno ng Crusader States. Ginawa ng bawat isa na maging malaya sila sa isa’t-isa. Madalas silang nag-away-away at pinagtalunan ang mga lupain na kanilang sinakop.

 

Ang Ikalawang Krusada (1147-1149)

                Noong 1144, ang Edessa ay napasakamay muli ng mga Seljuk Turk. Ang tatlong Crusader States ay nalagay sa malaking panganib sa muling paglakas ng kapangyarihang Muslim. Noong mabalitaan niya ang pagbagsak ng Edessa, tumawag ng isa pang Krusada si Bernard ng Clairvaux noong 1147. Marami ang tumugon sa kanyang paanyaya. Subalit ang mga panginoong may lupa na French at mga German ay hindi nagtiwala sa isa’t-isa. Hiwalay silang umalis ng Europe. Habang patungong Jerusalem, ninakawan nila ang lungsod ng Byzantine. Gumanti ang mga taga-Byzantine sa pamamagitan ng paghahalo ng tisa sa baon nilang harina para hindi na sila makagawa ng kanilang pagkaing tinapay. Isinabak din sila ng mga Byzantine sa mga labanan nang walang paghahanda. Dahil dito, madali silang natalo ng mga Muslim.

 

Ang Ikatlong Krusada (1189-1192)

                Ang Ikatlong Krusada ay nagsimula noong 1189 pagkatapos sakupin ng mga Seljuk Turk ang lahat ng mga Crusader State, maliban sa lungsod ng Tyre. Dalawang taon bago nito, sinalakay at sinakop ang Jerusalem. Nanumbalik ang kapangyarihan ng mga Muslim sa ilalim ng kanilang pinunong si Saladin. Sa loob lamang ng dalawang taon, sinira at pinabagsak ni Saladin ang mga Kristiyanong hukbo sa Jerusalem.

                Tatlo sa pinakadakilang hari ng Europe ang nanguna sa Ikatlong Krusada. Sila ay sina Frederick Barbarossa ng Holy Roman Empire, si Richard the Lionhearted ng England at si Philip Augustus ng France. Tanging si Richardlamang ang humarap kay Saladin sa labanan. Si Frederick Barbarossa ay nalunod habang tumatawid sa isang ilog sa Asia Minor. Si Philip ay bumalik ng France pagkatapos salakayin ang lungsod ng Acre. Sa loob ng dalawang taon, kapwa ipinagtanggol nina Richard at Saladin ang kapakanan ng kani-kanilang pananampalataya. Maramin g ulit na tinagnka no Richard na agawin ang Jerusalem ngunit hindi siya nagtagumpay. Noong 1192, lumagda sa isang kasunduan ang dalawa kung saan ang Jerusalem ay mananatili sa kamay ng mga Muslim. Gayunpaman, binigyan ang mga debotong Kristiyano ng karapatang pumunta sa Jerusalem at manatili sa ilang bayan ng baybay-dagat.

 

Ang Ikaapat na Krusada (1202-1204)

                Noong 1198, tumawag ng Krusada si Papa Innocent III upang ibalik ang dating dakilang karangalan ng Jerusalem. Sa halip na tumungo sa Jerusalem at labanan ang mga Muslim, sinalakay ng mga crusader ang Constantinople. Ito ay dahil na rin sa panghihikayat ng mga mangangalakal ng Venice na kailangang ibalik sa pananampalatayang Katoliko ang mga Kristiyanong Orthodox. Ang tunay na pakay ng mga mangangalakal ng Venice ay gawing mahina ang Constantinople upang maghari ang Venice sa kalakalan sa Silangang Mediterranean. Sinakop ng mga crusader ang Constatinople noong 1203 at naglagay ng sarili nilang emperador sa trono. Sinira nila ang altar ng Hagia Sophia at kinuha ang mga ginto at alahas nito. Hinalughog din nila ang mga aklatan at museo at ninakaw ang mararangyang yaman sinig ng Byzantine. Sinakop naman ng Venice ang pulo sa Aegean Sea.

 

Resulta ng mga Krusada

                Nabigo ang mga Krusada na makamit ang pangunahing layuni nito na baqiin ang Jerusalem at sirain o talunin ang Islam.

                Lubos na nanghina ang Imperyong Byzantine. Ang dating sigla at sigasig ng Byzantine ay sinira ng pakikipaglaban sa mga Seljuk Turk at pagtatanggol ng kayamanan ng imperyo sa kasakiman ng mga crusader.

                Noong una, pinalaki ng mga Krusada ang kapangyarihan at impluwensya ng mga Papa. Subalit pagkatapos ng trahedya ng Ikaapat na Krusada, ang Simbahan ay tumanggap ng maraming puna at pintas. Marami sa buwis na tinipon ng Simbahan para tustusan ang mga Krusada ay hindi ginamit ng wasto. Sa katapusan, tumulong ang Krusada sa pagpapahina ng kapangyarihan ng mga sumunod na Papa.

                Tinulungan ng mga Krusada ang mga hari upang palawigin ang kanilang kapangyarihan sa iba’t-ibang naghaharing lord o panginoon ng malalaking lupain. Marami sa mga panginoong ito ay namatay sa pakikipaglaban sa mga Muslim. Ang iba ay namulubi sa pagbabayad ng mga pangangailangan sa pagpunta sa Jerusalem. Ginamit din ng mga hari ang Krusada bilang dahilan upang magpataw ng bagong buwis. Ito ang nagbigay sa kanila ng karagdagang salapi upang sugpuin ang kanilang mga suwail na vassal. Ang vassal ay isang taong tumatanggap ng lupa mula sa  lord  kapalit ng pagkakaloob ng serbisyong militar dito.

                Pinaunlad ng mga Krusada ang agham ng pakikidigma. Natutuhan ng mga Europeo ang paggawa ng mga mabigat na armor at mga bagong sandata tulad ng cross bow. Natutong gamitin ng mga Europeo ang armas pandigma mula sa mga panday na Muslim.

                Pinabilis ng mga Krusada ang pag-unlad ng kalakalan sa pagitan ng Silangan at ng Kanluran. Noong una, ang seda, pampalasa o rekado at asukal na dinala ng mga crusader pabalik sa Europe ay itinuturing na luho na angkop lamang para sa mayayaman. Subalit pagkatapos ng mga Krusada, kinilala ng mga Europeo ang gamit ng mga ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga karaniwang tao.

                Ang mga Krusada ay nagdulot ng panibagong sigla sa paghahanap ng mga bagong ruta ng kalakalan at pag-usbong ng mga baying pangkomersiyo. Ang Venice ay isa sa mga lungsod na nakinabang sa mga Krusada. Ang malaking bahagi ng salapi na itinustos ng Venice sa Renaissance ay galling sa pag-unlad ng kalakalan nito sa Silang Mediterranean noong panahon ng Krusada.

                Tumulong ang mga Krusada sa pagtuklas ng mga Europeo sa Asya. May ilang crusader na naglakbay pasilangan at narrating ang Persia. Sa pagbabalik nila sa Europe, gumawa sila ng mga mapa at sumulat ng mga aklat na patnubay tungkol sa mga lugar na narrating nila. Ang mga aklat at mga mapang ito ay naghikayat sa iba upang sundan ang kanilan mga yapak.

 

PAG-USBONG NG KULTURANG KRISTIYANO

Sa panahon ng Middle Ages, umusbong ang isang bagong kabihasnan – ang kabihasnag Europeo. Nabuo ito dahil sa tatlong salik – ang pamana ng kabihasnang Roman; ang kultura ng tribong Germanic na lumusob sa Kanlurang Europe; at ang kultura ng Simbahang Katoliko.

                Mahalaga ang papel ng Simbahan noong Middle Ages. Sinikap ng Simbahan na panatilihin at palaganapin ang kabihasnang Kanluranin. Ito ang dahilan kung bakit umikot sa Simbahan ang buhay ng mga tao noong Middle Ages.

 

Ang kaayusang Panlipunan

                Ang institusyong panlipunan noong Middle Ages ay ang Simbahan. Laganap ang Kristiyanismo sa Kanluran at Gitnang Europe. Samakatuwid, ang mga mamamayan dito ay mga kasapi  ng Simbahan.

                Ang kapangyarihan ng Simbahan ay napanatili sa pamamagitan ng isang organisadong sistemang administratibo. Ang impluwensyang ito ay umabot sa lahat ng parokya. Marami sa mga gusali sa mga bayan ay pag-aari ng Simbahan. Ang mga katedral, monasteryo, ospital at kolehiyo ay bahagi ng malawak na organisasyon ng Simbahan.

                Responsibilidad ng Simbahan na subaybayan at alalayan ang mga kilos at pag-uugali ng mga tao. Ang mga pang-araw-araw na gawain ng mga paaralan at ospital ay pinangangasiwaan ng Simbahan. Pinamahalaan din ng Simbahan ang pagpapagawa ng mga tulay, lansangan at iba pang imprastraktura.

 

Ang Simbahan Bilang Tagapagtanggol ng Kabihasnan

          Sa panahon ng pananalakay ng mga tribung Germanic, tinupad ng Simbahan ang tungkuling ipagtanggol ang mahihina at parusahan ang mga nagkakasala. Ang sinumang tumatakas upang ipagtanggol ang kanyang buhay ay nakahahanap ng kanlungan (right of sanctuary) sa anumang simbahan.

                Ginampanan ng mga Papa ang ilan sa mga kapangyarihan ng mga dating emperador ng Imperyong Roman. Nagtatag ang Simbahan ng mga hukuman. Pinahintulutan nito ang paniningil ng buwis. Nang maging Papa si Gregory the Great mula 590 hanggang 604 C.E., pinamahalaan niya ang pulisya, nagpagawa siya ng pera, at pinaayos niya an gang mga aqueduct o sistema ng mga tubo na naghahatid ng tubig sa kabahayan.

 

Edukasyon

                Lahat ng karunungan sa panahong ito ay amy kaugnayan sa Simbahan. Ang sentro ng karunungan ay mga monasteryo at katedral. Ang edukasyon ay bukas lamang para sa mga nagbabalak maging pari. Halos hindi binigyan ng pansin ng Simbahan ang kakulangan ng karunungan ng marami. Sa takot na maging daan ng maling paninniwala ang edukasyon, hinahadlangan ng Simbahan ang pagkakaroon ng karunungan ng pangkaraniwang tao.

                Grammar School. Pagkatapos matutuhan kung paano bumasa at sumulat sa sariling wika, ang unang hakbang patungo sa pagiging pari ay ang pag-aaral ng wikang Latin. Kailangan ang pagsasanay sa Latin sapagkat ito ang wika ng Simbahan at ng lahat ng karunungan. Kasunod na pinag-aaralan ang pitong liberal arts: grammar, rhetoric, at logic sa mababang antas; at arithmetic, geometry, music at astronomy sa mataas na antas.

                Unibersidad. Ang unibersidad ay isang samahan ng mga maestro o dalubhasa sa sining. Ang pag-aaral dito ay tumatagal ng pitong taon. Pagkatapos kunin ang ilan sa mga kinakailangang paksa, ang mga mag-aaral ay kumukuha ng isang pagsusulit. Kung sila ay pumasa, sila ay ginagawaran ng titulong Bachelor of Arts. Ang susunod na antas ay ang paggawa ng isang masterpiece sa anyo ng isang aralin o panukalang pang-akademya na kailangan nilang ipagtanggol. Kung matagumpay nilang magawa ito, sila ay maaaring tanggapin sa samahan at maging ganap na maestro ng sining.

                Ang bawat maestro ay may sariling lupon ng mga mag-aaral. Sa kanya nagbabayad ang mga mag-aaral. Noong una, ang mga mag-aaral ay tumitira sa mga paupahang silid. Nang lumaon, naging kaugalian ng mga mag-aaral na manirahan sa mga pribadong dormitoryo.

 

Pilosopiya

                Noong Middle Ages, ang malaking bahagdan ng karunungan ay nakatuon sa teolohiya (theology) o ang pag-aaral tungkol sa Diyos at sa mga doktrina ng pananampalataya. Nilikha sa panahong ito ang pilosopiyang pananampalataya na tinatawag na scholasticism. Ito ay isang teolohikal at pilosopikal na pamamaraan kung saan pinagsanib ang turo ng Kristiyanismo at ang mga pilosopiya nina Aristotle at Plato. Ito ay nangangahulugang susuriin ang iba’t-ibang opinyon at kadahilanan at hahanap ng angkop na solusyon gamit ang lohika. Ilan sa mga kilalang pangalan sa panahon ng scholasticism ay sina Bernard ng Clairvaux, Peter Abelard, Albertus Magnus at Thomas Aquinas.]

                Bernard ng Clairvaux (1090-1153). Ayon kay Bernard, ang mundo ay isang patibong at panlilinlang samantalang ang tao ay mahihina at hindi kayang iwaksi ang tukso. Ang payo niya ay itakwil ang mudo at sa halip ay manalig sa Diyos at tanggapin nang walang alinlangan ang kanyang salita at pagmamahal.

                Peter Abelard (1079-1142). Si Abelard ay naniniwala na katuwiran at hindi pananampalataya ang dapat maging gabay ng tao sa paghahanap ng karunungan.

                Albertus Magnus (circa 1200-1280). Ang pilosopiya ni Albertus Magnus ay hinubog ng pag-aaral kay Aristotle. Naniniwala siya na ang pinakakahanga-hangang karunungan ay sumibol sa Greece. Katulad ni Aristotle, sinubaybayan ng mga Greek ang kaganapan sa daigdig at tinangka nilang ilagay ang mga ito sa isang makatuwirang paraan. Nakilala ng mga Greek ang Diyos hindi sa pamamagitan ng Bibliya kung hindi sa karunungan na dulot ng pangangatuwiran o reasoning. Bagama’t may mga misteryo ang pananampalatayang Kristiyano batay sa salita ng Diyos, may naipaliliwanag din naman gamit ang katuwiran.

                Thomas Aquinas (1225-1274). Sinabi ni Aquinas sa kanyang aklat na Summa Theologica (1266-1273) na may dalawang uri ng karunungan. Ang una ay nagmumula sa revelation o salita ng Diyos at ito ay nalalaman sa pamamagitan ng Bibliya, tradisyon, at ng Simbahan. Ang pangalawa ay nagmumula sa katuwiran. Ang dalawa ay maaaring pagsamahin sapagkat maaaring gamitin ang katuwiran upang ipaliwanag at ipaalam ang mga turo ng Diyos.

 

Panitikan

                Ang unang panitikan ng Middle Ages ay ang panitikan ng Kristiyanismo. Isang halimbawa nito ay ang Vulgate, ang salin ni Jerome ng Bibliya sa Latin.

                Ang The Divine Comedy (circa 1307) ni Dante ay kuwento ng isang likhang-isip na paglalakbay sa impiyerno,purgatory at langit. Sa katapusan, pumasok si Dante sa paraiso kung saan nalaman niya ang mga nakatagong katotohanan tungkol sa teolohiyang Kristiyano.

                Ang The Canterbury Tales ni Geoffrey Chaucer, na isinulat noong ika-14 na siglo, ay isang pasalaysay na tula na naglalarawan sa banal na paglalakbay ng isang grupo ng peregrine o peregrine sa damban ni St. Thomas Becket sa Canterbury Cathedral.

 

Dula

                Ang tampok na uri ng palabas noong Middle Ages ay ang mystery play. Ang paksa nito ay mga kuwento sa Bibliya o buhay ng mga santo na ginaganap sa labas ng simbahan o sa bukas na teatro. Ang mga nagsisiganap dito ay kasapi ng parokya.

                Ang isa pang uri ng palabas ay morality play. Ang mga actor dito ay kumakatawan sa mga birtud ng kabutihan at kasamaan. Ang paksa ng palabas ay ang hidwaan ng dalawang magkaibang puwersa.

 pisaplan

Arkitektura

                Ang karamihan sa mga bagong gusali ng panahong ito ay mga simbahan. Ang ginamit na modelo para sa mga simbahan ay ang mga silid-hukuman sa Rome na kung tawagin ay basilica. Ang hugis ng mga simbahang ito ay rektanggulo na may mataas na kisame. Ang pahabang gitnang bahagi ng Simbahan mula sa pintuan hanggang sa harapan kung saan nakaupo ang mga mananampalataya ay tinatawag na nave. Sa isang dulo ng nave matatagpuan ang medyo pabilog na bahagi na tinatawag na apse kung saan matatagpuan ang altar.

                Mula sa payak na struktura, ang mga simbahan sa mga sumunod na taon ay naging higit na detalyado. Ang mga bubong na yari sa kahoy ay ginawang yari sa tisa.

                Ang isa pang estilo ng mga simbahan at katedral noong Middle Ages ay Gothic. Ang pangunahing katangian ng estilong Gothic ay ang mataas at patusok na arch para sa bubong. Ang bigat ng bubong ay sinasalo ng mga batong tukod o buttress sa labas ng gusali. Ang pader ay hindi gaanong makapal. May mga bintana sa ibang bahagi ng pader. Ang mga bintana ay napapalamutian ng mga salaaming may iba’t-ibang kulay. Sa tulong ng mga bintana, ang loob ng simbahan ay maliwanag at maaliwalas.

                Ipinakita ng arkitektura ng Middle Ages na ang simbahan ay ang tahanan ng Diyos at pintuan ng langit. Ito ang dahilan kung bakit matatagpuan sa lahat ng sulok ng Europe ang mga naglalakihang simbahan at katedral. Ito rin ang dahilan kung bakit madaling magbigay ng salapi, kasanayan at panahon ang mga tao para sa pagpapatayo ng mga simbahan at katedral.

 

Sining

                Ang loob ng basilica ay puno ng mga ukit at mosaic. Ang pagpapaganda sa basilica ay binibigyan ng di-pangkaraniwang pagsisikap at pagpupunyagi ng mga tao. Ito ay kinakailangang napapalamutian sa paraang angkop sa pinakadakila sa lahat ng mga hari.

                Malaking bahagi rin ng sining ng panahong ito ang paggamit ng simbolo. Halimbawa, ang ulo ng santo ay napalilibutan ng ginto upang ipahiwatig ang kabanalan nito. Ang simbahan ay inihahambing sa isang barko na nagdadala sa mga nananalig patungo sa kaligtasan. Si Hesus ay kadalasang inilalarawan bilang pastol samantalang ang mga tupa ay ang kanyang mga tagasunod.

 

 

 

Pagbubuod

ü  Ang mga unang Simbahang Kristiyano ay binubuo ng maliliit na pangkat na tinatawag na ecclesia na ang ibig sabihin ay pagpupulong.

ü  Ang mga unang simbahan kung saan nagpupulong at nagkikita-kita ang mga unang Kristiyano ay itinatag sa Jerusalem, Romw, Alexandria, Antioch, at Corinth.

ü  Naging mahalagang salik sa pag-unlad ng Kristiyanismo ang pagiging mga ritwal, pagdiriwang, sakramento, awit, at dasal.

ü  Mahalaga ang Krusada sa kasaysayan ng ugnayang Kristiyano at Muslim.

ü  Ang kultura noong panahon ng Middle Ages ay hinubog ng Kristiyanismo; ang mga aspekto ng edukasyon, wika, panitikan, arkitektura, pilosopiya, dula, at sining ay umikot sa pananampalatayang Kristiyano.

 

 

 

 

Submitted by:       Shane Morla

Leslie Jane Enoc

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: